-- Advertisements --

Inaresto ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ng Philippine National Police (PNP) ang apat na Chinese nationals matapos na matagpuan ang mahigit P75-milyong halaga ng umano’y peke na Crocs footwear sa tatlong magkahiwalay na warehouse sa Bulacan.

Kinilala ng PNP ang apat na Chinese nationals na sina Weibin, Zhenpan, Youding, at Wang ng Elite Globus Prime Holdings Corporation na nagmamay-ari ng tatlong warehouse sa Meycauayan, Bulacan.

Kasama sa mga karagdagang nakumpiskang ebidensya ang mga resibo ng negosyo, mga computer set, isang CCTV DVR, at isang web mill printer.

Binigyang-diin ni Police Major General Nicolas Torre III na patakaran ng estado na protektahan at i-secure ang mga exclusive rights ng scientists, inventors, artists at iba pang gifted citizens sa kanilang intellectual property at creations. 

Ang mga naarestong suspek ay kinasuhan sa harap ng National Prosecution Service ng paglabag sa Section 155 (Trademark Infringement) kaugnay ng Section 170 ng R.A. 8293 (Intellectual Property Code of the Philippines) para sa hindi awtorisadong paggamit ng isang rehistradong trademark  na maaaring magdulot ng kalituhan sa mga mamimili.