-- Advertisements --

Sinampahan na ng Philippine National Police’s Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) ng kaso ang ikalawang Filipina na lumabag sa quarantine protocols pagdating nito sa bansa.

Ayon sa PNP-CIDG, na ang returning Filipino ay kinilalang si Maria Bernalyn Munoz na siyang nahaharap ngayon sa kasong paglabag sa Section 9 ng Republic Act 11332 o Mandatory Reporting of Notifiable Disease and Health Events of Public Health Concern na inihain nila sa Makati Prosecutors Office.

Nakasaad sa batas na ang sinumang mapatunayang lumbag ay papatawan ng multang P50,000 at pagkakakulong ng hanggang anim na buwan.

Base sa CIDG na dumating sa bansa galing ng US si Munoz noong Disyembre 22, 2021 at imbes na sumakay sa shuttle para madala sa nakatalagang quarantine facility sa Seda Hotel sa Makati ay sumakay ito ng taxi at dumiretso sa kaniyang condo unit sa Bonifacio Global City sa Taguig.

Mula noon ay labas-pasok ito sa kaniyang condo at nagpakuha pa ng masahista mula Disyembre 22 hanggang Enero 4, 2022.

Magugunitang unang sinampahan ng parehas na kaso ng CIDG ang returning Filipina na si Gwyneth Ann Chua dahil sa pagtakas sa quarantine hotel nito at dumalo pa sa party.