ILOILO CITY – Nilinaw ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) na walang katotohanan na mayroong utos si Pangulong Rodrigo Duterte na ipapatay ang mag-amang sina Iloilo First District Rep. Richard Garin at Guimbal Mayor Oscar Garin.
Ito ang kasunod ng pagbunyag ni Rep. Garin na mayroong death threat silang natanggap na utos umano ni Pangulong Rodrigo Duterte sa CIDG.
Sa panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Police Colonel Benliner Capili, Regional Director ng CIDG Region 6, sinabi nitong hindi totoo na mayroon silang natanggap na utos mula kay Duterte na patayin ang mag-ama.
Sa katunayan ayon kay Capili, sa Bombo Radyo lamang niya nalaman ang hinggil sa text messages na kumakalat na plano umano ng CIDG na patayin ang dalawang opisyal.
Inihayag din ni Capili na hindi ang CIDG ang nasa likod ng pagpapakalat ng nasabing impormasyon at maaaring ginamit lamang ang pangalan nasabing ahensiya.
Mas makabubuti ayon sa CIDG director na sila mismo ang magsasagawa ng imbestigasyon upang malaman ang source ng nasabing text message.
Matandaang inireklamo ni Police Staff Sergeant Federico Macaya Jr. ng Guimbal Municipal Police Station ang mag-amang Garin dahil sa pananakit sa kanya na ikinagalit naman ni Pangulong Duterte.