LA UNION – Sinimulan na ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang pagsisiyasat sa mga natanggap nilang reklamo hinggil sa umano’y nangyaring anomalya sa pamamahagi ng tulong mula sa Social Amelioration Program (SAP) sa Ilocos Region.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Col. Richard Verceles, Assistant Regional Director ng CIDG – Ilocos Region, sinabi nito na may mga natanggap na silang reklamo laban sa mga umano’y sangkot sa katiwalian mula sa lalawigan ng Ilocos Sur at Pangasinan.
Kabilang na rito aniya sa kanilang iniimbestigahan ang umano’y pagbawas sa perang ipinamahagi sa mga benipesyaryo na sa halip na P5,500 ay naging P3,500 na lang.
Hinihikayat ng CIDG ang mga kababayan na maghain lamang ng reklamo sa kanilang tanggapan upang maparusahan ang mga tiwaling opisyal na nanammantala sa SAP.