ROXAS CITY – Nakatutok ang PNP Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa posibilidad ng muling pagsagawa ng Kabus Padatoon (KAPA) Community Ministry International Inc. ng orientation sa lalawigan ng Capiz.
Ito ang inihayag ni P/Maj. Chris Arthemeus Devaras ng CIDG-Capiz sa panayam ng Bombo Radyo Roxas.
Sa kabila ng pagkumpirma na nakapasok na ang naturang investment scam sa lalawigan ay wala pa umanong dumulog sa mga kinauukulan na nakapag-invest ng pera sa naturang grupo.
Ngunit ipinasiguro ni Devaras na nakaalerto sila upang walang mabiktima ang KAPA sa Capiz ngunit kakailanganin aniya nila ang tulong ng Securities and Exchange Commission (SEC).
Nabatid na noong nakaraang linggo ay nagsagawa ng kanilang pinakaunang orientation ang KAPA Pavia-Iloilo Branch na pinamumunuan ni Isagane Capitle sa lungsod ng Roxas.
Kasunod nito ang pagkompirma rin ng isang kilalang negosyante mula sa lalawigan ng Capiz ng kaniyang pagbigay ng donasyon sa grupo sa pag-aakalang makakakuha ito ng malaking balik ng pera.