Pinasinungalingan ng PNP Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang alegasyon na may iregularidad sa pag-aresto sa umano’y pitong communist terrorists noong December 10.
Ayon kay PNP CIDG director M/Gen. Joel Coronel, lahat ng ginawang pag-aresto sa pitong suspeks ay mayroong warrant of arrest na inisyu ng RTC Branch 89 of Quezon City.
Giit ni Coronel, ang paglabas ng warrant of arrest ng korte ay base sa reliable and credible information na ibinigay ng informants sa korte.
Ang tinukoy ni Gen. Coronel ay ang isinagawang simultaneous operation noong December 10 sa Maynila, Quezon City at Mandaluyong dahilan kaya nahuli sina Mark Ryan Cruz, Romina Raisell Astudillo, Jaymie Gregorio, Denisse Velasco, Joel Demate, Rodrigo Esparago at isang Lady Anne Salem.
Kasong paglabag sa Republic Act 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Law) and RA 9516 (Illegal Possession of Explosives) ang isasampa laban sa mga suspeks.
Walang piyansa na inirekomenda ang korte laban sa mga ito.