Pinag-aaralan na ng Philippine National Police (PNP) – Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang mga testimonya ng isang dating miyembro ng ‘Angels of Death’.
Ayon sa CIDG, maaaring maging state witness ang naturang indibidwal laban kay Quiboloy at sa mga kasama niyang akusado.
Isa sa mga binitawang testimonya ng naturang testigo ay ang paggamit umano ng kampo ni Quiboloy sa mga miyembro ng ‘Angels of Death upang takutin ang mga dalagita na umano’y inaabuso ng Kingdom of Jesus Christ founder.
Ayon kay CIDG director Maj. Gen. Leo Francisco, iipunin ang lahat ng testimonya ng lumantad na dating miyembro. Ang mga ito ay gagamitin at ihahambing din sa mga testimonya ng mga lumantad na biktima ni Quiboloy.
Una nang tiniyak ng PNP na solido ang iprepresentang mga ebidensiya laban kina Quiboloy at kapwa akusado, kasabay ng inaasahang pagdinig ng korte sa mga kinakaharap na kaso.
Unang binasahan ng sakdal ang self-proclaimed ‘Appointed Son of God’ nitong Setyembre-13 dahil sa patong-patong na kaso kabilang na ang human trafficking.