-- Advertisements --

Sinalakay ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang umano’y hindi awtorisadong operasyon ng pagmimina sa lalawigan ng Negros Oriental kung saan nahuli ang limang indibidwal.

Kinilala lamang ang mga suspek na sina “Segundino,” “Elizar,” “Armando,” “Romel,” at “Reymart,” pawang mga residente ng lalawigan ng Negros Oriental.

Ayon sa ulat ng pulisya, naganap ang operasyon ng pulisya noong Pebrero 21 sa Barangay Isugan sa bayan ng Bacong mula 4:40 ng hapon hanggang 11:20 ng gabi.

Napag-alaman na ang operasyon ay walang permit mula sa Mines and Geosciences Bureau at iba pang kaukulang awtoridad na paglabag sa Philippine Mining Act.

Dagdag pa, kinumpiska ng pulisya ang tatlong dump truck na naglalaman ng isang cubic meter ng sand mineral; tatlong cubic meters ng boulder minerals; at mga mining equipment, kung saan nagkakahalaga ang lahat ng P1.3 milyon.