Ipinag utos na ni PNP General Debold Sinas ang malalimang pag iimbestiga sa pagpatay sa dating hepe ng Jolo Police Station na si Police Lieutenant Colonel Walter Annayo.
Sa presscon kaninang umaga dito ni Camp Crame, sinabi ni Sinas na tutulong na ang PNP CIDG sa pagresolba sa kaso para makamit ang hustisya sa pamilya ng biktima ng police official.
Sa ngayon kasi ang Police Regional Office ng Bangsamoro Autnomous region (PROBAR) ang nag iimbestiga sa insidente.
Tiwala naman si Sinas na lalabas din ang katotohanan sa likod ng pamamaril kay LtCol. Annayo.
Inaalam na rin ang lahat ng angulo at posibleng motibo sa krimen.
Sinabi ni Sinas, nalaman na rin ng siyam na Jolo police na suspek sa pagpatay sa apat na army officers ang pagpatay kay Annayo at nalungkot umano ang mga ito sa insidente.
Nilinaw ni Sinas na sa ngayon wala pang indikasyon na ang pagpatay kay Annayo ay may kinalaman sa Jolo fatal shooting.
Kanina ibinyahe na pauwi sa kaniyang pamilya sa Baguio City ang cadaver ni Annayo.
Nabatid na nitong Sabado, pinagbabaril si Annayo ng ‘di pa nakikilalang salarin sa Barangay Macabiso, Sultan Mastura, Maguindanao.
Batay sa initial report mula sa Maguindanao Police Provincial Office, kapaparada lang ni Annayo ng kanyang sasakyan sa Narciso Ramos Highway para sa bumili ng buko juice nang mangyari ang krimen.
Dinikitan umano ito ng isang lalaki na lulan naman ng isang kulay puting Toyota Fortuner bago pinagbabaril sa iba’t ibang parte ng katawan.
Matatandaang sinibak si Annayo sa pwesto kasama ang siyam niyang mga tauhan nang masangkot sa pamamaril ang mga ito sa apat na sundalo noong June 29,2020.