CAUAYAN CITY – Nagsagawa na ng emergency meeting ang Department of Foreign Affairs (DFA), Department of Labor and Employment (DOLE) at Department of Environment and Natural Resources (DENR) upang pag-usapan ang kalagayan at repatriation ng mga overseas Filipino workers (OFWs) sa Libya.
Nakatakdang magpadala ang pamahalaan ng composite team na binubuo ng mga opisyal ng DOLE, DFA at DENR sa Libya upang mag-asikaso sa pagpapauwi sa mga OFW na apektado ng mga kaguluhan.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Labor Secretary Silvestre Bello III na inatasan ni Pangulong Rodrigo Duterte na mamumuno sa composite team si DENR Secretary Roy Cimatu.
Ito ay dahil bihasa na ang dating AFP chief of staff sa repatriation ng mga OFW kahit noon pa mang nakaraang mga administrasyon.
Batay aniya sa assessment ng DFA , lumalala ang nagaganap na civil war sa Libya ngunit nananatili pa rin sa alert level 3 na nangangahulugang patuloy ang total deployment ban.
Sa ngayon pinaghahandaan ng DOLE ang pagtaas pa sa alert level 4 dahil kung sakali hudyat na ito para magsagawa ng force repatriation sa mga OFWs na umaabot sa 1,000 sa Tripoli.
Kinumpirma naman DFA Undersecretary Elmer Cato na isa na namang OFW ang sugatan matapos na tamaan ng pagsabog ng mortar sa compound kung saan sila nagtatrabaho sa isang oil at gas services provider.
Ang kasamahan umano ng Pinoy na isang Sudanese national ay minalas nang mapuruhan sa nangyaring pagsabog.
Ang pag-igting ng Libyan crisis ay bunsod na rin ng deklarasyon ni Gen. Khalifa Haftar na unti-unti na ang pagkubkob nila sa kabisera na Tripoli mula sa UN-backed government ni Prime Minister Fayez al-Serra.
Patuloy naman ang paglunsad ng counter-offensive ng government forces kasama na ang air strikes laban sa umaabanse na Libyan National Army (LNA) ni Gen. Haftar.
Sinasabing mahigit na sa 220 katao ang nasawi sa patuloy na paglala ng sitwasyon sa naturang bansa.
Si Gen. Haftar ay dating army officer na itinalaga noong taong 2017 bilang LNA chief sa ilalim nang naunang internationally recognised government na nakabase sa lugar ng Tobruk.
Lumakas ang loob ni Haftar na makuha ang pamumuno dahil sa ibinibigay umanong suporta sa kanya ng Russia, Egypt at UAE.