BACOLOD CITY — Iniutos ni National Inter-Agency Task Force member at Environment Sec. Roy Cimatu na unahin munang hanapin ang virus sa Bacolod bilang “primary step” sa epektibo na pagsugpo ng COVID-19 pandemic.
Sa pulong na isinagawa kasama ang mga barangay officials, miyembro ng COVID-19 technical working group at mga medical directors sa Bacolod City kahapon, inihayag ni Cimatu na dapat mag-exert ng efforts ang lahat upang ma-locate ang virus.
Ayon kay Cimatu, dapat na unahin ang mga barangay na may mataas na numero ng coronavirus cases.
Nabatid na ang meeting ni Cimatu kasama ang mga barangay officials at iba pang mga concerned sectors ay isa sa mga sagot ng Office of the President sa apela ni Mayor Evelio Leonardia para sa augmentation dahil sa patuloy na pagdami ng kaso ng COVID sa lungsod.
Base sa pinakahuling tala ng City Health Office, makikita na ang 10 mga barangay na may pinakamataas na kaso sa Bacolod ay kinabililangan ng Estefania na may 100; Taculing na may 77; Villamonte na may 65; Banago na may 62; Mansilingan at Mandalagan na may tig-61; Alijis na may 55; Tangub na may 46; Bata na may 39 at Granada na may 38 na kaso.
Inirekomenda naman ni RIATF-Visayas deputy chief implementer Gen. Melquiades Feliciano ang centralized command center kung saan ang lahat ng clusters ng technical working group ay magpupulong bawat araw upang mas mapatibay pa ang kanilang kolaborasyon.