-- Advertisements --
Cindy bully

Nagsisisi na si Cindy Kurleto kasunod ng kanyang pag-amin na iniwan talaga nito noon ang dating boyfriend at kapwa artistang si Jericho Rosales.

Ayon sa 43-year-old Austrian model/actress/ at dating video jockey na nakabase sa Pilipinas, sana ay dinedma niya na lamang ang mga katanungan hinggil sa kanyang nakaraan dahil napasama pa pala ang kanyang mga tapat na rebelasyon.

Inakala raw kasi niya na matutuldukan na ang mga isyu niya noong aktibo pa sa show business ngunit ngayon ay nakakaranas pa ng pambu-bully, bagay na hindi niya matanggap.

Ito aniya ang dahilan kaya focus na lamang siya sa good vibes at tungkol sa kanyang binuong pamilya ang mga ibabahagi sa publiko.

Ugat ng kontrobersya ay ang aktibidad ni Kurleto sa kanyang Instagram noong nakaraang linggo.

Cindy Kurleto 3

Dito ay umamin siya na halos dalawang taon sila naging magkasintahan ni Echo pero pinili ang negosyanteng nagngangalang Daniel Joseph Navalia na kanya rin namang naging asawa.

Sinasabing si Cindy ang dahilan kung bakit naghiwalay si Jericho at onscreen partner na si Kristine Hermosa.

Sa ngayon ay “happily married” ang 41-year-old actor sa British model na si Kim Jones bagama’t wala pa ring anak sa loob ng mahigit limang taon nang pagsasama.

Si Kristine Hermosa naman ay isang dekada nang kasal kay Oyo Boy Sotto at kasalukuyang buntis sa pang-limang anak.

Sa panig ni Cindy, mayroon na itong dalawang anak.