CAGAYAN DE ORO CITY – Tiniyak ng reigning 2021 Ms Intercontinental na si Cindy Obeñita na nasa panatag ang kanyang kalooban pagdating sa usaping pag-ibig.
Ito ang sinabi ng 25-anyos na tubong Cagayan de Oro patungkol sa kung gaano ba katibay ang buhay-pag-ibig nito kasama ang kanyang boyfriend na si Henri Lopez.
Sa panayam ng Bombo Radyo, inihayag ni Cindy na masaya umano siya kasama ang nobyo na todo suporta sa lahat ng kanyang mga ginawa lalo na sa pinakahuli nito na sinalihan na Bb Pilipinas hanggang sa Ms Intercontinental na ginanap sa Egypt noong Oktubre 2021.
Sinabi ng dalaga na sapat nang patunay na matibay ang kanilang relasyon ng boyfriend at hands on ito sa mga behind the scene production ng kanyang Bb Pilipinas at Ms Intercontinental journey hanggang matagumpay na nakuha ang pangalawang korona para sa bansa.
Paliwanag pa ni Cindy na kung talagang mahal ng isang tao ang kanyang nobya ay susuportahan niya ito kung anuman ang tinatahak ng landas katulad ng kanyang pinagsisikapan na maabot.
Pagtitiyak pa nito na kung anuman rin ang magiging mga darating na trabaho o proyekto ng kanyang boyfriend ay buong suporta rin ang kanyang ibibigay.
Natanong rin kasi ng Bombo Radyo si Cindy kung hindi ba matulad ang kanyang buhay pag-ibig ng ibang Filipina beauty queens na pagkatapos umaabot sa kasikatan ay biglang magkihawalay.
Pagtitiyak nito na nasa maayos na pangangalaga ang kanyang puso dahil sa suporta nila sa isa’t-isa at pagiging bukas kung anuman ang kasalukuyang kinaharap na mga sitwasyon.