LAOAG CITY – Sinuspenso agad ni Ilocos Norte Governor Matthew Marcos Manotoc ang lahat ng klase sa pampubliko at pribadong paaralan pati na rin sa mga government offices bunsod ng Bagyong Enteng.
Maliban dito ay nasuspenso na rin ang domestic flight sa Laoag International Airport.
Ayon kay Engr. Randy Nicolas, Local Disaster Risk Reduction Management Officer II ng lalawigan, naka-preposition na rin ang mga heavy equipment at search and rescue retrieval equipment sakaling lumala ang sitwasyon.
Aniya, habang hindi pa ramdam ang epekto ng Bagyong Enteng sa lalawigan, nagbigay ng babala ang Philippine Coast Guard sa mga mangingisda upang maiwasan ang mga hindi kanais-nais na insidente lalo na kung biglang lumakas ang alon ng karagatan.
Nakikipag-ugnayan na rin sila sa Department of Public Works and Highways para tulungan ang mga lugar na makararanas ng pagguho ng lupa lalo na sa bayan ng Pagudpud at dito sa lungsod ng Laoag.
Kaugnay nito, sinabi ni Engr. Nicolas na batay sa impormasyon mula sa iba’t ibang City at Municipal Disaster Risk Reduction and Management Offices wala pang naitatalang insidente sa kanilang mga lugar.
Samantala, hindi pa rin nararamdaman ang malakas na hangin at ulan sa Ilocos Norte sa kabila ng pagtaas ng signal number two sa lalawigan dahil sa pananalasa ng Bagyong Enteng.