GENERAL SANTOS CITY – Nagpaabot nang pasasalamatan si Kagawad Jeng Gacal sa Bombo Radyo GenSan dahil sa masigasig na pagpapaalala sa publiko na ‘wag mag-invest sa mga kuwestiyunableng investment companies.
Ayon kay Gacal, ngayon daw napatunayan na pawang panloloko pala ang ginagawa ng ilang mga investment company na itinakbo pa ang pera ng mga investors.
Dagdag pa nito, mismong ang bawat isa ang makakatulong para hindi na maniwala sa pangako ng mga investment company.
Aniya, sa panahon ngayon “dapat mag-isip-isip ng 1,000 beses bago ibigay ang pera sa naturang grupo para hindi mauwi sa wala ang mga pinaghirapan.”
Sa ngayon ang sangguniang panglungsod sa General Santos City ay patuloy pa rin sa pagsasagawa ng investigation in aid of legislation kaugnay sa mga investment scams sa lungsod.
Ang Bombo Radyo GenSan ay mahigit isang taon na ring tumatalakay kaugnay sa mga investment scams na ang gawain ay tulad sa Ponzi scheme para maipabatid sa publiko na ang mga ito ay iligal.
Sa ngayon may kasong isinampa na laban sa ibang mga opisyal ng mga investment scams partikular ang Kabus Padatuon o KAPA na pinangangasiwaan ni Joel Apolinario.
Mismong ang Pangulong Rodrigo Duterte na ang nag-utos sa PNP-CIDG at NBI sa crackdown sa kanilang operasyon.
Liban sa NBI ang Securities and Exchange Commission (SEC) ang nanguna rin sa paghahain ng mga kaso.