CENTRAL MINDANAO-Mamahagi ng free Covid-19 Care Kits ang City Government of Kidapawan sa mga nagkasakit ng Covid-19 na ngayon ay sumasailalim sa home quarantine sa iba’t-ibang barangay sa lungsod.
Ito ang sinabi ni Atty. Jose Paolo Evangelista, Head ng Kidapawan Covid-19 Nerve Center kung saan layon nitong makaiwas ang mga pasyente sa dagdag gastos makaraang mahawaan ng naturang sakit.
Kabilang sa nilalaman ng Kidapawan Covid-19 Care Kit ay ang mga sumusunod: alcohol, 50 pcs medical grade face masks, 20 pcs paracetamol, 25 tablets vitamin C, 1 digital thermometer, at 1 pc pulse oximeter.
“Makatutulong ito sa mga pasyenteng naka- home quarantine dahil wala na silang gaanong iisiping gasto sa pagbili ng mga nabanggit na bagay at tuloy-tuloy na lang sila sa pagpapagaling mula sa Covid-19”, ayon kay Atty. Evangelista.
Kaugnay nito, hinikayat ni Atty. Evangelista ang mamamayan na agad mag-report o ipaalam sa City Epidemiology and Surveillance Unit o CESU sa oras na may maramdamang mga sintomas ng Covid-19 sa harap na rin ng banta ng Omicron variant na mas mabilis makahawa.
Maliban naman sa Covid-19 Care Kit, mamimigay din ang City Government of Kidapawan ng food packs na naglalaman ng bigas at canned goods para sa mga naka home quarantine at mga nasa isolation facilities. Maliban pa ito sa 2 kilos rice at 1 whole chicken na ibinibigay na ayuda ng city government sa lahat ng nagpapabakuna.
Nasa 33 indibidwal na sa kasalukuyan ay pawang naka home quarantine ang nabigyan na naturang mga Covid-19 Care Kits.
Paalala naman ngayon ng Covid-19 Nerve Center sa bawat isa na mag doble-ingat laban sa Covid-19 at laging sundin ang minimum health standards at magpabakuna na laban sa nakamamatay na sakit.