CENTRAL MINDANAO-Pinuri ni Department of the Interior and Local Government Secretary Eduardo Ańo ang City Government of Kidapawan sa anti-illegal drugs campaign nito.
Personal na tinanggap ni Kidapawan City Mayor Joseph A. Evangelista ang 2020 Anti-Drug Abuse Council Special Award mula kina DILG Cotabato Provincial Director Ali Abdullah at City DILG Operations Officer.
Basehan ng pagbibigay parangal ang mga ginawang hakbang ng City Government of Kidapawan na mapanatiling drug cleared ang lungsod mula taong 2017-2020, ayon pa sa DILG.
Matatandaang nasa ikaanim na pwesto ang Kidapawan City sa buong bansa sa isinagawang Anti-Drug Abuse Council o ADAC Performance Audit ng DILG mula 2017 – 2020
Nakakuha ng 91.88% ‘High’ performance rating ang Lungsod ng Kidapawan sa ADAC Performance Audit, ayon pa sa DILG.
Ilan lamang sa mga programang ipinatupad ng Evangelista administration laban sa illegal na droga ay ang mga sumusunod: Balik Pangarap Program na naglalayong matulungang makabalik sa pamayanan ang mga dati ng gumagamit ng droga o Persons Who Used Drugs, Community Anti-Drug Rehabilitation Centers, Information, Education and Communication sa mga barangay at paaralan, at pagbibigay ng suporta at pondo para sa mga Barangay Drug Abuse Councils o BADAC.
Tanging Kidapawan City lamang ang nakakuha ng mataas na marka sa buong SOCCSKSARGEN Region sa 2017-2020 ADAC Performance Audit ng DILG.