-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO – Umarangkada muli ang panibagong round ng pagbabakuna kontra polio ang city government ng Kidapawan.

Target ng pagbabakuna ang mga bata edad 0-59 months old sa lahat ng barangay sa Kidapawan City.

Sinuyod ng mga kagawad mula sa City Health Office ang mga bahay sa maraming komunidad sa lungsod para masiguro lamang na lahat ng bata edad 0-59 months ay mababakunahan kontra polio.

Una nang hiniling ni City Mayor Joseph Evangelista sa mga magulang na pabakunahan ang kanilang mga anak.

Iginiit ng alkalde na tanging bakuna lamang ang pinaka-epektibong paraan para malabanan ang polio dahil wala pang gamot na natutuklasan sa pagkakasakit nito.

Magkatuwang ang city government at Department of Health (DOH) sa Sabayang Patak Kontra Polio.

Maliban sa door to door sa mga kabahayan na kampanya naglagay din ng tauhan ang City Health Office sa mga day care centers, mga check points papasok at labas ng lungsod, Mega Market at City Overland Terminal, Gaisano Grand Mall at sa Our Lady Mediatrix of All Graces parish.

Mula February 17 hanggang March 1, 2020 ang itatagal ng panibagong round ng Sabayang Patak Kontra Polio.

Una nang diniklarang may polio outbreak noong 2019.

Labimpitong kaso na ng polio ang naitatala ng DOH sa buong bansa ngayong buwan ng Pebrero.