-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO-Sisimulan na ng Department of Social Welfare and Development o DSWD Regional Office 12 ang validation ng dagdag na 1,800 potential beneficiaries ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4P’s sa Lungsod ng Kidapawan.

Ito ang napag-usapan ng team mula sa DWSD-12 at CSWDO ng Kidapawan sa kanilang courtesy call kay Acting City Administrator Janice Garcia.

Napagkasunduan na magtutulungan ang DSWD- 12 at ang City Government of Kidapawan sa pamamagitan ng CSWDO at mga opisyal ng barangay sa gagawing validation ng dagdag na mga 4P’s beneficiaries mula sa 40 barangay ng Kidapawan City.

Target na maisagawa ang validation ngayong buwan ng January 2023.

Basehan ng validation ang survey ng National Household Targeting System for Poverty Reduction ng Pamahalaan na isinagawa sa Kidapawan City sa nakalipas na unang linggo ng buwan ng December 2022, ay ayon kay Social Welfare Officer III Norhaidah D. Sanggacala, Team Leader ng DSWD 12.

Saklaw ng survey ang mga indigent families ng lungsod na hindi pa mga miyembro ng 4P’s.

Sa kabila nito, ay maari namang mabawasan ang bilang ng potential number of beneficiaries ng 4P’s lalo na at dadaan sa masusing validation ang mga identified families na makatatanggap ng ayudang pinansyal mula sa Pamahalaan, ayon pa sa DWSD 12.

Bawat 4P’s beneficiaries ay makatatanggap ng tulong sa pamamagitan ng Education and Health Cash Assistance para sa kanilang mga anak, Rice Subsidies at Grants mula sa National Government.

Ito ay matatanggap sa pamamagitan ng cash cards kung saan ay dina-download ng DSWD ang cash assistance kada dalawang buwan ng bawat taon.

Nagbabala naman ang DSWD na huwag isangla o ipambayad ng utang o di kaya ay gamitin sa bisyo ang natatanggap na tulong ng 4P’s mula sa pamahalaan.

Maaring tanggalin sa listahan ng 4P’s o di kaya ay ma-blacklist sa mga tulong ng pamahalaan ang sino mang susuway sa panuntunan sa illegal na paggamit ng cash assistance cards.

4,067 indigent families ang eksaktong bilang ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program beneficiaries sa lungsod ng Kidapawan sa kasalukuyan, ayon pa sa City Social Welfare and Development Office.