-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO-Muli na namang namayagpag ang City Government ng Kidapawan matapos itong gawaran ng Most Outstanding LGU Award – Binhi ng Pag-Asa Program ng Department of Agriculture – Agricultural Training Institute o DA-ATI12 para sa taong 2022.

Nakamit ng City Government of Kidapawan ang parangal dahil sa mahusay na implementasyon ng programang Binhi ng Pag-Asa na laan naman para mga kabataang magsasaka o youth farmers sa lungsod.

Iginawad ang naturang parangal sa Binhi ng Pag-Asa Program Provincial Youth Summit sa Amas Capitol Compound, Kidapawan City noong November 22, 2022 at pormal na tinanggap ni City Mayor Atty Jose Paolo Evangelista sa Flag Raising Ceremony na ginanap sa City Hall Lobby ngayong araw na ito ng Martes, Enero 3, 2023.

Maliban sa pagiging Most Outstanding LGU, tumanggap din ang City Government of Kidapawan ng dalawa pang parangal at ito ay ang Certificate of Appreciation para sa aktibong paglahok sa BPP Provincial Youth Summit 2022 (Nov 21-22, 2022) na may temang “YouthLEADS: Harnessing Youth Leadership in Entrepreneurship Towards Agricultural Development and Sustainability” at Certificate of Achievement matapos makamit ang 1st Place ng Documentary Making Contest – BPP Provincial Youth Summit (Daryll Flores – GITIB o Pag-usbong).

Ayon kay City Agriculturist Marissa Aton, ang mga awards na ito ay nakamit dahil sa maayos at mahusay na implementasyon ng mga programang pang agrikultura para sa mga kabataang mag-sasaka o young farmers sa lungsod.

Dagdag pa rito ang malaking suporta na ibinibigay ni City Mayor Atty Jose Paolo Evangelista sa larangan ng agrikultura sa layuning palakasin ang food stability at sustainability at panatilihin ang maayos na kalusugan ng mga Kidapaweno.