-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO – Isang daang sako ng bigas na naglalaman ng 25 kilos premium rice bawat sako ang inihatid ng city government ng Kidapawan sa Maguindanao del Norte, partikular na sa Barangay Kusiong, municipality of Datu Odin Sinsuat kung saan naganap ang matinding landslide at flashflood dulot ng bagyong Paeng nitong nakalipas na linggo.

Sa pangunguna ni City Disaster Risk Reduction and Management officer Psalmer Bernalte ay naihatid ang naturang tulong sa Barangay Hall na personal namang tinanggap ni Jaffer Sinsuat, Punong Barangay ng Kusiong.

Ang mga barangay officials na ang namahagi ng mga bigas sa mga lumikas na pamilya mula sa naturang barangay dahil hindi na maaaring pasukin ang lugar matapos na masira ang mga tulay na dadaanan papasok sa Barangay Kusiong.

Itinuturing na ground zero ngayon ang Barangay Kusiong matapos masawi ang aabot sa 21 katao dahil sa matinding landslide, habang 20 iba pa ang namatay dahil sa flashflood at 14 pa ang nawawala.

Isa ang munisipalidad ng Datu Odin Sinsuat sa lalawigan ng Maguindanao del Norte sa pinakamatinding hinagupit ng bagyong Paeng.

Matinding naapektuhan din ang mga bayan ng Datu Blah Sinsuat, Upi, Barira, South Upi sa kaparehong lalawigan.

Sa pinakahuling tala, aabot sa 398 barangays ang sinalanta ng bagyo sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao o BARMM kung saan 202,598 pamilya ang apektado o katumbas ng 582,884 na mga indibidwal.