City health department, nagsasagawa ng situational analysis at ipinag-utos sa mga health centers na magkaroon ng mapping ng dengue cases; Health department, inamin na umabot sa ‘outbreak’ ngunit hindi pa sila magdideklara
Inamin ng pinuno ng Cebu City Health Department na umabot ang lungsod sa ‘outbreak’ level dahil sa patuloy na tumataas na kaso ng dengue ngunit hindi pa umano sila magdedeklara nito.
Paliwanag pa ni Dr. Daisy Villa na bawat taon ay mayroon umanong dengue cases at magdeklara lamang ng outbreak kapag walang naitala sa nakalipas na limang taon.
Sinabi pa ni Villa na kumpara sa nakalipas na taon, nagkaroon ng 100% na pagtaas sa mga kaso ng dengue sa lungsod.
Sa buwan pa ng Hulyo 2023, mayroong 91 na kaso habang sa Hulyo ngayong taon naman ay umabot sa 283 ang naitalang kaso.
Mula Enero hanggang sa Setyembre 16 naman ng kasalukuyang taon, umabot sa 2,250 ang kabuuang kasong naitala ngunit 764 lang umano nito ang kumpirmado at 10 ang nasawi.
Samantalang sa nakaraang taon naman, 30 lamang ang kumpirmado sa parehong period.
Sa ngayon aniya, magkakaroong sila ng situational analysis kung saan nagsimula ang kaso ng dengue at saan lumipat upang sabay din nilang isagawa ang misting.
Idinagdag pa ni Villa na inatasan an rin nila ang mga tauhan ng health centers dito na magkaroon ng mapping ng lahat ng mga kaso ng dengue.
Binigyang-diin naman nito ang kahalagahan ng pakikipagtulungan ng komunidad at pagbabago ng ugali para maiwasang tumaas pa ang mga kaso ng dengue.