Hindi pa rin makapaniwala ang mga dalubhasa sa hindi na-detect na binansagang “city-killer” asteroid na kamuntikan nang tumama sa Earth.
Batay sa report ng Washington Post, sang-ayon sa data ng NASA, ang Asteroid 2019 OK, na sinasabing may lawak na 57 hanggang 130 meters, ay dumaan sa layong 73,000 kilometers mula sa planeta.
Wala raw sa radar ng mga siyentipiko ang nasabing asteroid at bigla na lamang umanong sumulpot mula sa kawalan.
“Nothing this size is easy to detect . . . You’re really relying on reflected sunlight, and even at closest approach it was barely visible with a pair of binoculars,” wika ni Alan Duffy, lead scientist ng Royal Institution of Australia.
Nauna nang nagkaroon ng mga prediksyon na may mga asteroids na dadaan malapit sa Earth ngayong linggo, pero hindi raw nila akalaing mas malapit pa ito kamukha ng ginawa ng Asteroid 2019 OK.
Ayon pa kay Duffy, ang last-minute detection sa naturang asteroid ay patunay daw na hindi pa ganoon kalawak ang alam ng sangkatauhan sa kalawakan. (The Washington Post)