-- Advertisements --

binag2

Kahit nasa General Community Quarantine pa rin ang Metro Manila, pinalawak na ang gradual expansion doon sa mga maari nang lumabas ng mga bahay lalo na ang mga menor-de-edad na may edad 15-anyos pababa na mamasyal sa mga mall.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay JTF Covid Shield commander Lt Gen. Cesar Hawthorne Binag, sinabi nito na pinapayagan ng lumabas ng bahay at magtungo sa mga mall ang mga batang below 15-years old pero dapat pagtibayin muna ito ng lokal na ordinansa ng mga Metro Manila mayors.

Dapat din daw kasama ang mga magulang ng mga menor de edad na magtutungo sa mga mall at sa iba pang mga lugar pasyalan, mga parke at kainan.

Ang pahayag ni Binag ay kasunod nang ulat kagabi ni DILG Sec. Eduardo Ano kay Pangulong Rodrigo Duterte sa pulong ng IATF.

Sinabi pa ni Binag, siyam na buwan na nasa loob lamang ng bahay ang mga bata, kaya pinagbibigyan na rin ang mga ito na makalabas.

Aminado si Binag, malaking hamon sa enforcement side ang pagpapatupad ng batas sa sandaling dumami na ang tao sa labas.

Kaya mahigpit silang nakikipag-ugnayan sa mga local government units dahil hindi kayang bantayan ng mga pulis at sundalo ang bawat sulok ng mga barangay.

Hiling ng opisyal kung hindi naman talaga kailangan lumabas ng bahay ay huwag na lang muna.

Binigyang-diin ni Binag na sa kanilang pulong sa JTF Covid Shield, kanilang pinaghandaan ang magiging rekumendasyon ng mga NCR mayors kaya nakipag-ugnayan na siya kay NCRPO Director BGen. Vicente Danao para sa pagpapatupad ng nasabing rekumendasyon.

Inilatag na rin ni Binag kung ano ang mga lugar na dapat bantayan ng PNP, Phil Coast Guard, Bureu of Fire Protection at AFP.

Sa ngayon mahigpit na tinututukan ng JTF Covid Shield ang mga areas of convergence.

Nilinaw din ni Binag na hindi na kailangan ng travel pass kung bibiyahe patungong mga probinsiya, nasa mga LGUs na ito ngayon kung ano ang mga restrictions na kanilang ipatutupad.

Sa kabilang dako, nakipag-ugnayan na rin si Binag kay Manila Police Districts Director BGen. Rolando Miranda hinggil sa buhos ng mga tao sa Divisoria.

Dinagdagan ng dalawang kumpanya ng mga pulis na mag-iikot sa bahagi ng Divisoria sa Maynila.