GENERAL SANTOS CITY – Mas pinaigting pa ng kapulisan dito sa lungsod ang pagkalap ng ebidensya sa responsable at motibo sa pagbabaril-patay sa dalawang lalaking salvage victims umano na itinapon malapit sa Sanitary Landfill sa Brgy. Sinawal dito sa lungsod.
Ayon kay City PNP Director Col. Nicomedez Olaivar ng Makar Police Station basi sa isinagawang background check , kinilala ang mga biktima na sina Almisal Abissani, 21 anyos mula sa Purok Mudia, Labangal at Wahab Kasim 23 anyos residente ng Purok Pandian Barangay Labangal sa lungsod na ito.
Ayon sa pulisya posibleng ginawa ang krimen sa loob ng sasakyan dahil sa mga basag ng salamin na narekober sa lugar.
Nakikipag-ugnayan na rin ang pulisya sa pamilya ng mga biktima para sa karagdagang imbestigasyon.
Batay dito, ipinag-utos ng opisyal sa lahat ng unit ng PNP na palawakin at palakasin pa ang intelligence monitoring sa lungsod para sa kaayusan at kapayapaan.