-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO – Hindi tumitigil at tuloy-tuloy lang ang Office of the City Veterinarian o City Vet ng Kidapawan sa pamimigay ng ayuda sa mga magsasaka sa lungsod na matinding naapektuhan ng pandemya.

Ayon kay city veterinarian Dr. Eugene Gornez, kabilang sa ipinamahagi ng kanilang tanggapan para sa mga qualified beneficiaries sa ilalim ng 2021 livestock and poultry program ay ang mga sumusunod: 9 na baka at 32 kambing para sa buwan ng Pebrero; 6 na kambing at 30 free range chicken para sa Marso.

Abot naman sa 258 na mga baboy ang naipamahagi noong Marso sa ilalim ng Food Security and Economic Resiliency Plan for Covid-19 at ngayong buwan ng Mayo ay nakapamahagi ang City Vet ng 200 free range chickens para sa mga benepisyaryo.

Maliban rito ay nakatakda din ngayong buwan ang pamimigay ng abot sa 100 itik at 140 broiler chickens at 240 free range chicken sa ilalim ng Special Area for Agricultural Development o SAAD Program.

Sinabi ni Gornez na layon ng programa na mapatatag muli ang hanay ng mga magsasaka partikular na ang mga livestock at poultry raisers upang mapalakas din ang food sufficiency at sustainability sa lungsod.

Alinsunod din daw ito sa mandato ni Kidapawan City Mayor Joseph Evangelista na tutukan ang agrikultura at pagtuunan ng ibayong pansin ang mga programang magpapabuti sa kalagayan ng mga magsasaka.

Samantala, tuloy-tuloy lang din ang operasyon ng Vegetable Trading Post o Bagsakan ng Gulay sa Barangay Magsaysay, Kidapawan City tuwing Martes at Sabado na isa rin sa mga inisyatibang ginawa ng City Government upang matiyak ang benta ng produkto ng mga vegetable growers sa lungsod.

Sa ilalim ng naturang trading post ay wholesale ang bentahan ng produktong gulay na direkta namang binibili ng mga wholesalers sa mega market at iba pang palengke o talipapa sa lungsod.