Inanunsiyo ngayong araw ng US State Department na naging epektibo na noong Hulyo 2 ang mapayapang nuclear cooperation agreement o 123 agreement sa pagitan ng Pilipinas at Amerika.
Base ito sa mutual commitment ng 2 bansa para sa nuclear nonproliferation.
Kaugnay nito, mapapahusay pa ang kooperasyon ng 2 bansa pagdating sa malinis na enerhiya gayundin ang energy security at mapapalakas din nito ang matagal ng bilateral diplomatic at economic relationships ng US at PH.
Nakapaloob din sa ilalim ng kasunduan ang legal framework para pahintulutan ang mga kompaniya ng Amerika na mag-export nuclear material, equipment at components sa ibang bansa.
Papayagan din dito ang paglilipat ng nuclear material, equipment kabilang ang reactors, components at impormasyon para sa nuclear research at civil nuclear energy production.
Una rito, sinabi ni Energy Dir. Patrick Aquino sa exclusive interview ng Bombo Radyo na ang inclusion ng nuclear power sa ating energy mix ay makakatulong upang mabawasan ang ating dependence sa mga produktong petrolyo.
Dahil dito, masisiguro natin na ng ating mga kababayan ay hindi gaanong maapektuhan ng pabago-bagong presyo sa pandaigdigang merkado ng petrolyo.
Bukod dito, ang pag-develop at paggamit ng nuclear energy ay magpapahintulot sa Pilipinas na makatulong sa pandaigdigang pagsusumikap na bawasan ang emissions sa pamamagitan ng pagliit ng paggamit ng fossil fuels.