Inanunsyo ng Civil Service Commission (CSC) nitong Biyernes, Marso 7, ang pagpapatupad ng Flexible Work Hours para sa mga Muslim employee sa gobyerno upang maipagpatuloy ang kanilang pag-aayuno nang hindi naaapektuhan ang kanilang trabaho.
Sa ilalim ng bagong iskedyul, ang karaniwang oras ng opisina mula ala-8 ng umaga hanggang ala-5 ng hapon na may break sa tanghali ay babaguhin sa ala-7:30 ng umaga hanggang ala-3:30 ng hapon.
Nilinaw ng ahenysa na ang pagbabago sa mga working hours ay hindi ituturing na undertime kahit may dalawang oras na pagbabago sa oras ng trabaho.
Bukod dito, ang mga empleyadong muslim ay pahihintulutang ding mag break sa trabaho tuwing Biyernes mula ala-10 ng umaga hanggang ala-2 ng hapon upang maisagawa ang kanilang mga gawain.
Binigyang-diin ng ahensya na ang mga flexible work arrangements na ito ay alinsunod sa kanilang mga patakaran upang mapangalagaan ang kapakanan ng mga empleyado ng gobyerno habang tinitiyak ang epektibong paghahatid ng serbisyo publiko.
Nilinaw rin sa CSC Resolution No. 00-0227 na ang exemption tuwing ”Biyernes” ay ipatutupad sa buong taon, hindi lamang tuwing Ramadan.
Upang matugunan ang kinakailangang 40-oras na lingguhang trabaho, pinapayagan ang mga ahensya ng gobyerno na magpatupad ng flexible work schedules, basta’t ang mga opisina ay magbubukas sa hindi mas maaga sa ala-7 at magsasara na hindi lalampas ng ala-7 ng gabi, alinsunod sa CSC Memorandum Circular No. 06 na inilabas noong Hunyo 6, 2022.
Samantala hinihikayat ang mga empleyadong Muslim sa gobyerno na makipag-ugnayan sa kanilang mga ahensya upang maipatupad ang angkop na flexible working hours batay sa mga patakarang ito.
Nababatid na ang Ramadan sa Pilipinas ay opisyal na nagsimula noong Marso 2 at magtatapos sa Marso 31, 2025.