-- Advertisements --

NAGA CITY – Patay na ng matagpuan ang isang lalaki matapos pagsasaksakin sa Atimonan, Quezon.

Kinilala ang biktima na si Nicanor Salva, 58-anyos ng naturang lugar.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office, napag-alaman na bago ang nasabing insidente, mayroong apat na di pa nakikilalang mga armadong lalaki ang pumunta sa kanilang bahay.

Habang maghahapunan umano ito kasama ang live-in-partner, biglang dumating ang mga suspek at pilit na pinapalabas ang biktimga ngunit tumanggi ito kung kaya sapilitang pumasok ang mga suspek at tinangay ang biktima.

Matapos ang insidente, natagpuan na lamang na wala nang buhay ang biktima sa naturang barangay na may mga saksak sa katawan.

Samantala, napag-alaman din na ang naturang biktima ay civilian informer ng Philippine Army.

Sa ngayon, patuloy pa rin na pinaghahanap ang mga suspek gayundin ang pag-alam sa posibleng pagkakakilanlan ng mga ito.