Hindi matitinag ang Atin Ito Coalition sa pagpapatuloy ng kanilang ikakasang civilian supply mission sa bahagi ng West Philippine Sea.
Kasunod ito ng mga ulat ng pagdedeploy ng China ng mga barko sa bahagi ng Bajo de Masinloc shoal upang bumuo umano ng blockade sa lugar isang araw bago ang naturang misyon ng nasabing sibilyang grupo.
Sa isang pahayag ay muling binigyang-diin ng Atin Ito Coalition na lehitimo ang kanilang ikakasang misyon sa West Philippine Sea na layong igiit ang karapatan ng mamamayang Pilipino na magsagawa ng mga aktibidad sa loob ng teritoryong nasasakupan ng ating bansa.
Kaugnay nito ay ipinunto rin ng naturang grupo na ang kanilang misyon ay mapayapa at nakabatay sa international law.
Anila, hindi na nakakagulat pa ang ganitong aksyon ng China sa Bajo de Masinloc shoal at ito anila ay hindi na nagdudulot pa ng intimidation para sa mga Pilipino.
Bagkus ay mas pinagkakaisa pa anila ng mga aksyon ng China ang lahat ng mga Pilipino para depensahan ang karapatan ng ating bansa sa ating sariling teritoryo.
Dahil dito ay magpapatuloy anila ang kanilang gagawing paglalayag nang walang takot at buong determinasyon nang hindi naglalayong mang-provoke ng sinuman at alinmang mga bansa.