Hindi pa rin matitinag ang Atin Ito Coalition kasama ang civilian volunteers nito sa pagpapatuloy ng pagkakasa ng mga Civilian supply mission nito sa Bajo de Masinloc shoal sa bahagi ng West Philippine Sea.
Sa kabila ito ng mga presensya ng dalawang barko ng China Coast Guard na napaulat na namataan sa kasagsagan ng isinasagawang misyon ng naturang civil society group.
Batay sa pinakahuling ulat, sa layong 48.2 nautical miles southwest part ng Magalawa Island, Zambales ay namataan ang CCG vessel 4109 na bumubuntot sa Atin Ito contingent sa layong 1.3 nautical mile mula sa convoy.
Habang tinangka namang lumapit ng isang pang barko ng China na CCG vessel 4108 mula sa naturang convoy na layunin anilang pag hiwa-hiwalayin ang contingent ng grupo na magsasagawa ng civilian mission sa Bajo de Masinloc shoal.
Gayunpaman ay patuloy ang ginawang pagprotekta ng mga barko ng Philippine Coast Guard sa naturang convoy kung saan nakapalitan pa nito ng radio challenge ang mga barko ng China Coast Guard.
Samantala, sa kabila ng lahat ng ito aniya ay nananatili pa rin na positibo ang mga volunteers ng Atin Ito Coalition na lumahok naman sa naturang civilian mission.