Tuloy pa rin ang isasagawang civilian mission sa West Philippine Sea sa kabila ng kamakailang water cannon attack ng China Coast Guard sa mga barko ng Pilipinas sa Panatag shoal.
Sa isang statement, sinabi ni Atin Ito co-convenor at Akbayan Party president Rafaela David, hindi nagpapatinag ang kanilang grupo sa panibagong agresibong aksiyon at pangha-harass ng China.
Inihalintulad din nito ang kanilang grupo na parang halamang dinidiligan ng tubig lalo lamang namumulaklak ang kanilang pagkakaisa para ipaglaban ang WPS.
Ang plano nga na ikalawang civilian mission ay layunin na magsagawa ng peace and solidarity regatta at maglagay ng markers o mga biya sa Panatag shoal.
Plano din ng grupo na maghatid ng essential supplies gaya ng langis para sa mga mangingisdang Pilipino na nandoon sa lugar.
Kasama sa naturang misyon ang 2 main civilian boats na iiskortan ng 100 maliliit na fishing vessels na maglalayag mula sa lalawigan ng Zambales.
Inimbitahan din ang international observers na sumama sa civilian mission para idokumento ang sitwasyon sa WPS at para masaksihan ang mga hamong kinakaharap ng mga Pilipinong mangingisda.
Samantala sinabi naman ni Philippine Navy for the WPS Commodore Roy Vincent Trinidad na handang umalalay ang militar at tumulong sa civilian mission sa pamamagitan ng pag-monitor sa kanilang kaligtasan.