-- Advertisements --
CJ Diosdado Peralta

Posible umanong bumalik sa teaching profession si Supreme Court (SC) Chief Justice Diosdado Peralta kapag nagretiro na ito sa Marso 27.

Sinabi ng Ilokanong punong mahistrado ng Korte Suprema na nasa puso pa rin niya ang pagtuturo.

Aminado itong ang kanyang karanasan sa pagtuturo o bilang law professor bago maging public prosecutor, trial court judge at mahistrado ng Sandiganbayan maging ng kataas-taasan ay ang naging susi para sa kanyang matagumpay na karera.

Habang inihahanda raw niya ang kanyang sarili sa kanyang pagreretiro sa susunod na buwan ay hindi raw nito mapigilang balikan ang kanyang naging buhay bilang law professor.

Magreretiro rin daw itong walang pagsisisi dahil alam niyang ginawa niya ang lahat para sa batas, sa korte maging ng buong bansa.

Nagsikap daw ito hindi lamang para sa kanyang sarili kundi para na rin sa kapakanan ng iba.

Disyembre noong nakaraang taon nang magpaalam si Peralta sa kanyang mga kasamahan sa plano nitong magretiro nang mas maaga o isang taon bago ang kanyang mandatory retirement sa edad na 70 sa March 27, 2022.

Enero 23, 2009 nang maupo itong SC associate justice hanggang naabot ang pinakamataas na puwesto sa SC noong 2019.

Si Peralta ay na-appoint bilang chief justice noong Oktubre 23, 2019 ni Pangulong Rodrigo Duterte at pinalitan nito ang kapareho niyang Ilokano na si dating Chief Justice Lucas Bersamin.

Bago ang kanyang promotion, si Peralta ang head ng third division, head ng Representatives Electoral Tribunal (HRET) at chairman ng committee on the revision of rules.

Chairman din ito ng Presidential Electoral Tribunal (PET) at head ng Judicial and Bar Council (JBC).

Ang abogado na tubong Laoag City sa Ilocos Norte ay nagsimula sa kanyang government service noong 1987 nang ma-appoint itong assistant city prosecutor ng Laoag City.

Noong 1988, nailipat ito sa prosecutor’s office sa Manila at naging assistant chief ng investigation division.

Nagtrabaho ito sa judiciary sa loob ng 27 years at nagsimula ang kanyang karera bilang judge ng regional trial court sa Quezon City noong 1994. 

Bilang trial court judge, na-designate ang kanyang korte bilang special criminal court for heinous crimes at kinalaunan ay naging illegal drugs cases.

Taong 2002 nang ma-promote ito sa Sandiganbayan.  

Pagkatapos naman ng anim na taon sa anti-graft court ay na-promote itong presiding justice noong 2008.

Nagtapos si Peralta ng kanyang law degree sa University of Santo Tomas noong 1979 bilang working student. 

Tinapos naman niya ang kanyang undergraduate degree in Economics sa Colegio de San Juan de Letran noong 1974.

Ikinasal ito kay Court of Appeals (CA) Senior Associate Justice Fernanda Lampas Peralta at nagkaroon ng apat na anak at isa dito ay abogado rin.