Tinawag ni National Security Adviser Eduardo Año na walang basehan at ‘revisionist’ ang claims ng China sa Palawan.
Sa isang statement, sinabi ng opisyal na kanilang tinututulan ang walang basehan at revisionist claims na kumakalat sa Chinese social media na dating parte ng China ang Palawan at dapat umano itong ibalik sa China.
Sinabi din ng National Security Adviser na ang paggigiit na ito ay tahasang pabrikasyon lamang na naglalayong baluktutin ang kasaysayan, linlangin ang publiko at hamunin ang soberaniya ng Pilipinas sa lehitimo at kinikilala ng buong mundo na teritoryo nito.
Saad pa ng opisyal na ang Palawan ay dati na at mananatiling mahalagang parte ng Republika ng Pilipinas.
Wala din aniyang historical record, legal precedent o mapagkakatiwalaang ebidensiya na susuporta sa claim na ang Palawan ay pinamahalaan noon ng China.
Ayon sa opisyal, malinaw na patunay dito na pag-aari ng Pilipinas ang Palawan ay ang archaeological findings, ilang dekadang indigenous at colonial governance at internationally binding treaties gaya ng 1898 Treaty of Paris at 1900 Treaty of Washington.
Tinawag din ni Año na gawa-gawa lamang nang walang basehan ang claim na dating tinatawag ang Palawan bilang Zheng He island, na hango sa pangalan ng isang Chinese explorer na naglakbay umano sa mga katubigan sa Southeast Asia noong ika-14 at ika-15 siglo. Aniya, walang historical record na makapagpapatunay na bumisita ito sa Palawan at kung sakaling meron man, hindi ito katumbas ng pagmamay-ari sa isla, dahil ang paglalakbay ng mga manlalakbay sa sinaunang panahon ay hindi kayang baguhin ang soberaniya ng mga nasyon sa kasalukuyan.
Kaugnay nito, sinabi ng opisyal na kasalukuyan na nilang tinutunton ang pinagmulan ng maling impormasyon na unang lumitaw sa Chinese social media app na Weibo at Red Note. Subalit binigyang diin ni Año na hindi ito galing sa alinmang official government sites o iniulat ng Chinese mainstream media outlets.
Hinihimok naman ng NSC ang mamamayang Pilipino at ang international community na manatiling vigilante laban sa disinformation campaigns at magbase lamang sa mga verified historical at lehitimong sources.