Pinakakasuhan na ng Department of Justice ang nagpakilalang claimant ng kabuuang P218,484,000 na halaga ng shabu shipment sa Ninoy Aquino International Airport.
Ito ay matapos na makitaan ng probable cause ang naturang suspect dahil sa nadiskubreng 31 kilograms ng shabu ng Ninoy Aquino International Airport Inter-Agency Drug Interdiction Task Group.
Kinilala ang suspect na si Christine Tigranes, residente ng Balingasa, Manila.
Tinanggap ni Tigranes ang kargamento mula sa isang Isaac Chikore mula Zimbabwe.
Idineklara umano ang mga nakumpiskang shabu bilang machinery mufflers na nakasilid sa apat na brown na karton.
Nadiskubre ito matapos na sumailalim sa x-ray examination ang kahina-hinalang kontrabando.
Ipinadala nila ang sample sa PDEA at kinumpirma ng ahensya na ito ay may presensya ng methamphetamine hydrochloride or shabu.
Ayon kay Justice Secretary Jesus Crispin Remulla, magsilbi sana itong babala sa lahat ng magtatangkang magpuslit ng iligal na droga sa bansa.
Tiniyak rin ng kalihim ang commitment ng ahensya na sugpuin ang iligal na droga sa Pilipinas.