-- Advertisements --

Tinawag na kahibangan ng dating mambabatas na si dating Bayan Muna Rep. Neri Colmenares ang claims na kumakalat ngayon na nagsasabing dating paga-ari o pinamunuan ng China ang isla ng Palawan sa loob umano ng isang libong taon at dapat umanong ibalik sa China.

Naunang kumalat ang naturang post sa Chinese app na Rednote.

Pero iginiit ng dating mambabatas na ang naturang claims ay hindi lamang pagbaluktot sa kasaysayan kundi paga-angkin ng teritoryo na idini-disguise umano bilang historical rights.

Ang claims din na ito ay parte aniya ng pinalawak pang estratehiya ng China para gawing lehitimo ang iligal na 9-dash line claim nito na pinawalang bisa ng Permanent Court of Arbitration noong 2016.

Aniya, kinumpirma na rin ng National Historical Commission of the Philippines na ang Palawan ay patuloy na pinaninirahan sa loob ng 50,000 taon, at walang katibayan ng anumang permanenteng paninirahan o pamamahala ng mga Tsino dito. Iginiit din ng NHCP na ang Palawan ay pagmamay-ari ng mga Pilipino.

Kaugnay nito, hinimok ni Colmenares ang gobyerno na palakasin pa ang pagpapatrolya ng Philippine Coast Guard sa lugar gayundin ang joint patrol kasama ang ibang claimants sa West Philippine Sea.

Dapat din aniya tayong manindigan sa pagtatanggol sa ating soberanya, hindi lamang sa pamamagitan ng mga salita kundi sa pamamagitan ng mga konkretong aksyon na naggigiit ng ating mga karapatan sa West Philippine Sea.

Sa huli, nanawagan si Colmenares sa Department of Foreign Affairs (DFA) na maghain ng diplomatic protest laban sa patuloy na historical revisionism ng China.