BAGUIO CITY – Siniguro ng Baguio City Prosecutor’s Office na bago ang katapusan ng taon ay matatapos na ang isinasagawang clarificatory hearings sa 13 respondents na nahaharap sa patung-patong na kaso dahil sa pagmaltrato kay late Cadet 4th Class Darwin Dormitorio ng Philippine Military Academy (PMA).
Ayon kay City Prosecutor Elmer Sagsago, natapos na ng panel ng prosekusyon na pinangungunahan ni Prosecutor Margarita Manalo ng Regional Trial Court Branch 4, Baguio City ang clarificatory hearing sa tatlong mga doktor ng PMA Station Hospital kasama na ang mga doktor ng National Bureau of Investigation at PNP.
Sunod aniyang isasailalim sa clarificatory hearing ang iba pang mga respondents bago ang pitong mga kadete na direktang responsable sa pagpapahirap sa nasawing kadete.
Tiniyak naman nito sa pamilya Dormitorio na ginagawa nila ang lahat para sa madaling panahon ay may mabubuo nang desisyon ukol sa posibilidad na pagsampa ng kaso sa korte na didinig sa kapalaran ng mga respondents.
Sinabi nito na ang gagawin nilang resolusyon sa kaso ay magbabatay sa ebidensia na isinumiti sa prosekusyon.
Ipinaliwanag niya na sa clarificatory hearing ay mabigbigyan ng pagkakataon ang mga respondents na sagutin ang kaso at ihayag ang kanilang panig.
Dinagdag pa nito na nakadepende sa resolusyon ng prosecution panel kung maibabasura o maiaakyat sa korte ang patong-patong na kasong isinampa laban sa pitong kadete, tatlong medical personnel at apat na opisyal ng akademya dahil sa naging papel ng mga ito sa pagpapahirap kay Cadet Dormitorio.