VIGAN CITY – Babalikan at kakasuhan umano ng Clark International Airport ang contractor nito kung mapatunayang mayroong mga substandard materials na nagamit sa pagpapatayo ng nasabing paliparan, anim na taon na ang nakalilipas.
Ito ay dahil sa naging pinsala nito matapos ang magnitude 6.1 na lindol na yumanig sa Central Luzon kung saan ang sentro nito ay sa Castillejos, Zambales ngunit labis na naapektuhan ang lalawigan ng Pampanga, kasama na ang Clark International Airport.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Vigan, sinabi ni Clark International Airport President Jaime Melo na hindi umano nila hahayaang malugi o madaya ang gobyerno kaya hahabulin at babalikan nila ang contractor ng paliparan kapag mapatunayang mayroong mga substandard materials na nagamit na rason kung bakit may ilang parte ng paliparan na bumagsak nang lumindol noong Lunes, April 22.
Aniya, tinatayang aabot sa P30-milyon ang halaga ng mga nasirang bahagi ng paliparan dahil sa nasabing lindol na kaagad namang naayos.
Napag-alaman na ang contractor ng nasabing paliparan noong 2013 ay ang E.M Cuerpo, Inc.