Lumutang ngayon ang isyu na hindi umano pinayagan ng NBA na maglaro sa Asian Games sa Indonesia sa ilalim ng Pilipinas ang Filipino-American player ng Cleveland Cavaliers na si Jordan Clarkson.
Bagamat wala pang opisyal na kumpirmasyon mula sa Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) at ng coaching staff ng Philippine national basketball team, inilutang naman ng Gilas Pilipinas social media account na ang impormasyon ay mula umano sa multiple sources.
“@smartgilasph
“According to multiple sources, the NBA did not allow Jordan Clarkson to play in the Asian Games!”
Una rito, kagabi ay nagbigay ng go signal ang Asian Games organizing committee doon sa Jakarta, Indonesia na pinapayagan na maglaro sa ilalim ng bandila ng Pilipinas si Clarkson.
Dahil dito, isinama ni Guiao si Clarkson sa mga pangalan ng 12 mga players sa Asian Games kaya natanggal si Trollano.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo kay coach Guiao, kanyang dinepensahan ang pagkakasama sa pangalan ni Clarkson dahil sa noong una ay malaki ang posibilidad na makahabol ang Cavs star.
Sa katunayan ipinakita na rin ng team ang uniporme na isusuot sana ni Clarkson kung natuloy ito.
Ilang mga Pinoy fans naman ngayon ang labis na nadismaya dahil malaking pagkakataon sana ito para mas mapalakas pa ang national team.
Sinasabing sa kabila na hindi nagbigay ng green light ang NBA, pinayagan naman si Jordan na maglaro sa Gilas Pilipinas sa FIBA World Cup qualifying tournament kung saan ang bansa ay merong laro sa buwan ng Setyembre bago magbukas ang bagong NBA season sa Oktubre.
Ilang mga players ng Pilipinas ang sinuspinde ng FIBA dahil sa nangyaring rambulan kasama ang Australian Boomers. Â
Sa ngayon matapos ang latest development kay Jordan, kung papayag daw ang Asian Games organizers, posibleng ibalik ang pangalan ni Trollano sa Team Pilipinas na aalis na bukas para paghandaan ang unang game kontra Kazakstan sa August 16.
Kung sakali namang hindi na kilalanin ang pagpalit ng players, mananatili na lamang si coach Yeng sa kanyang 11-man line up.
Ang iba pang players na kasama sa koponan ay binubuo nina James Yap, Chris Tiu, Beau Belga, Stanley Pringle, Maverick Ahanmisi, Raymond Almazan, Christian Standhardinger, JP Erram, Paul Lee, Gabe Norwood at Asi Taulava.