Bumida sina Fil-Am Jordan Clarkson at Kevin Love upang bitbitin ang Cleveland Cavaliers at idiskaril ang Orlando Magic, 107-93.
Maituturing na big win ang ginawa ng Cavs, dahil kasunod ito nang matinding pagkatalo na kanilang nalasap sa Pistons na umabot sa 36 points ang kalamangan.
Habang ang Magic (30-35) naman ay naghahabol para sumabit sa playoffs.
Nagtala si Clarkson ng 19 points habang si Love naman ay kumamada ng 16 points at 14 rebounds para sa kanilang 16-48 record ngayong season.
Kung maaalala si Love ay kagagaling lamang sa foot surgery noong Nobyembre at hindi pa naisalang sa back-to-back game.
Nagawa pang mag-rally ang Magic at maitabla ang score sa 81-all na may pitong minuto pa ang nalalabi sa laro.
Pero hindi na sila pinaporma ng Cavaliers sa fourth quarter nang maipasok ang pitong 3-pointers kabilang na ang tig-dalawa kina Clarkson at Cedi Osman.
Hindi rin nagpahuli sa pagpapakitang gilas sina rookie guard Collin Sexton na may 17 points, Osman na nagpakita ng 14Â habang sina Larry Nance Jr. at Matthew Dellavedova ay merong tig-11 points.
Sa kampo ng Magic na nag-aambisyong pumasok sa playoffs sa unang pagkakataon mula taong 2012, ay namayagpag si Nikola Vucevic na umiskor ng 28 points at 13 rebounds.
Samantala tatangkaing makabawi ng Magic sa paghaharap nila sa 76ers sa Miyerkules.
Ang Cavaliers ay bibisita naman sa Brooklyn Nets sa Huwebes.