Naniniwala si Gilas Pilipinas head coach Yeng Guiao na masyado na umanong huli para kay NBA star Jordan Clarkson na maging bahagi pa ng national team para sa FIBA World Cup.
Ayon kay Guiao, mistula kasing hindi na papahintulutan ng FIBA si Clarkson na maglaro para sa Pilipinas bilang local lalo pa’t 10 araw na lamang bago mag-umpisa ang torneyo sa China.
Kasama si Clarkson sa 19-man pool ng Gilas dahil sa posibilidad na papayagan itong maglaro bilang local.
Ngunit na-classify si Clarkson bilang isang naturalized player dahil nakakuha na ito ng Philippine passport edad na 16-anyos pataas.
Sinabi ng beteranong coach, wala raw indikasyon mula sa FIBA na magkakaroon ng pagbabago sa kanilang mga panuntunan sa mga naturalized players.
Kaya aminado si Guiao na hindi na raw ito umaasa pa na makakasama pa nila ang Cleveland Cavaliers guard.
“Mukhang wala na si Jordan,” wika ni Guiao. “It’s too late at this point.”
Dahil dito, kailangan na raw nilang mag-move on at magpopokus na lamang daw sa mga talent na mayroon ang Gilas.