Nagbigay pugay ngayon ang National Basketball Association (NBA) sa pamamagitan ng Filipino Heritage Night kung saan itinaon sa banggaan ng dalawang team sa Western Conference na Utah Jazz at Houston Rockets.
Sa Jazz kasi ay nandoon ang Filipino-American star na si Jordan Clarkson, habang sa Rockets ay naglalaro naman ang rookie player na si Jalen Green.
Maging ang ilang announcers ng NBA ay tinawag na pambihira at makasaysayan ang game dahil sa unang pagkakataon ay dalawang players na may dugong Pinoy ang sabay na naglaro na magkalaban sa magkakaibang team.
Kung ipapaalala si Jalen ay isa sa “most exciting rookies” ngayong bagong season ng NBA.
Siya ay 19-anyos, 6-foot-6 guard, na kinuha bilang second overall ng Houston sa ginanap na 2021 NBA Draft noong buwan ng Hulyo.
Dalawang beses na rin siyang nakapunta ng Pilipinas (2018, 2019).
Ang ina ni Green na si Bree Purganan ay ipinanganak sa Ilocos Sur, habang ang kanyang maternal grandfather ay full-blooded Filipino.
Noong 17-anyos pa lang si Jalen nang maglaro siya sa FIBA U17 World Cup ay tinanghal siyang MVP at nanguna sa Team USA para ibulsa ang ikalimang world title noong 2018.
Ito namang si Clarkson, 29, na reigning Sixth Man of the Year sa NBA, kung maalala ay naging bahagi na ng Gilas Pilipinas national team.
Ang ina ni Clarkson na si Annette Tullao Davis ay dugong Filipino dahil sa ang ina nito na si Marcelina Tullao Kingsolver ay mula sa Bacolor, Pampanga.
Samantala kabilang naman sa naging programa sa NBA Filipino Heritage Night ay pagsagot sa ilang katanungan ng mga Filino fans na nanood sa Toyota Center.
Pinagsama ng mga organizers ang dalawang NBA stars para maupo sa gilid ng court sa harap ng mga nanood na mga fans.
Sa pagsasalita ng dalawa, biniro pa ni Clarkson na sana maglaro din si Green sa national team ng Pilipinas.