DAVAO DE ORO – Balik – operasyon na ang mga government offices maging ang klase sa mga paaralan sa buong probinsya simula ngayong araw matapos na ini-lift ang class and work suspension.
Ito mismo ang kinumpirma ni Joseph Randy Loy, hepe ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office sa probinsya ng Davao de Oro.
Ngunit iginiit naman ng ahensya na nasa hurisdiksyon pa rin ito ng bawat Local Government Units (LGUs) ang pagpapanatili ng suspension o hindi sa bawat klase at trabaho sa lugar.
Kung maalala, matapos niyanig ng magnitude 6.1 na lindol ang Davao de Oro nitong unang araw ng Pebrero, agad naglunsad ang lokal na pamahalaan ng malawakang operasyon sa buong probinsya kung saan makikita ang iilang mga kabahayan at establisyementong nagtamo ng damyos.
Ayon kay Loy, nagpapatuloy ang ibayong assessment sa kabuuang halaga ng pinsala na dulot ng lindol.
Matatandaang kasama sa mga naapektuhan ang Davao de Oro Provincial Hospital sa munisipalidad ng Montevista, kung saan inilipat sa Montevista Sports Complex ang karamihan sa mga pasyente na noo’y nasa loob ng ospital.
Nasa maayos naman na na kalagayan ang mga pasyente, ngunit may mga pasyente naman na nanatili sa mga ligtas na sulok ng ospital, base sa naging assessment ng ahensya.
Ayon sa pamunuan ng ospital, wala namang naitalang nahimatay o inatake sa puso lulan ng naturang lindol ngunit napapabalitang may nagtamo ng maliit na injury na kaagad namang nilapatan ng paunang lunas.
sa kabilang banda, kanya-kanya na rin na nagsagawa ang mga LGUs ng Davao de Oro ng assessment sa mga damages sa bawat lungsod upang ma-consolidate ang lahat ng mga datos upang malaman ang kabuong damyos ng nasabing pagyanig.
Kung maalala, grabeng naapektohan ng magnitude 6.1 na lindol ang Davao de Oro kung saan ang epicenter nito ay ang munisipalidad ng New Bataan.