-- Advertisements --
INTERVIEW WITH USEC. UMALI 2

Susundin pa rin ng Department of Education (DepEd) ang guidelines hinggil sa automatic cancellation ng mga klase sa mga tuwing may bagyo na idedeklara ang PAGASA.

Ito ang naging paalala ni DepEd Undersecretary Tonisito Umali sa publiko dahil epektibo pa rin aniya ang ipinatutupad na class suspension noong hindi pa nananalasa ang COVID-19 pandemic.

Nakasaad sa Executive Order 66 noong 2012 ang mga patakaran ukol sa kanselasyon ng klase at trabaho sa mga government offices habang kasagsagan ng bagyo o ano mang kalamidad.

Batay dito, sa oras na magdeklara ang PAGASA ng signal No. 1 ay kaagad kakanselahin ang pasok ng preschool at kindergarten.

Wala namang klase ang elementary at high school kapag signal No. 2, habang suspendido ang pasok ng lahat maging ng mga empleyado kapag signal No, 3 ang bagyo.

Nakapaloob din dito na maaaring magdeklara ng class suspension ang mga alkalde ng lungsod.

Sa ngayon ay nakikipag-ugnayan na raw ang kagawaran sa Malacañang hinggil sa posibleng gawin na amiyenda sa EO 66 alinsunod na rin sa “new normal” system ng blended learning.

Ani Umali, baka kinakailangan na ring mag-adjust ng lahat dahil sa distance learning.

Sa kabila nito may ilang probisyon sa ilalim ng EO 66 ang maaari pa ring ipatupad sa “new normal.”