-- Advertisements --

Bahagyang mabubunutan ng tinik sa lalamunan ang mga motorista mula sa ilang mga lugar sa bansa dahil ang kumpanyang Cleanfuel ay nag-anunsyo na magtatakda ito ng tapyas-presyo sa kanilang produktong petrolyo ngayong linggo.

Sa advisory na inilabas ng kumpanya ay sinabi nitong pansamantalang nilang ibinaba aang presyo ng diesel mula alas-4 ng hapon kahapon hanggang sa Biyernes, Marso 18, 2022 sa mga piling lugar dito sa Pilipinas.

Samantala, taliwas naman sa naunang ipinatupad na rollback ng kumpanyang Petro Gazz ay in-anunsyo nito na magtatakda naman ito ng dagdag-presyo sa produktong petrolyo simula ngayong araw.

Tataas ng hanggang P6.65 kada litro ang magiging singil sa diesel, habang nasa P3.60 naman magiging dagdag sa presyo sa kada litro ng gasolina.

Una rito ay nagpatupad na ang karamihan sa mga kumpanya ng langis ng bigtime oil price hike sa kada litro ng mga produktong petrolyo, na ika-11 sunud-sunod na liggo na sa Pilipinas.