-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO – Patuloy sa pagtaas ang bilang ng mga cleared sa deadly virus batay sa pinakahuling datos ng Kabacan, Cotabato Municipal Epidemiology Surveillance Unit,

Aabot na sa 344 ang cleared, habang pumalo naman sa 126 ( 85-VisMin, 41-Davao region) ang nasa strict monitoring.

Patuloy namang hinihiling ni Incident Commander/Municipal Health officer Dr Sofronio Edu Jr. ang publiko na pakaingatan ang sarili, manatili sa loob ng bahay, palakasin ang immnue system at ugaliing magsuot ng face mask.

Hiniling din nito na patuloy na ipagdasal ang bayan sa laban nito kontra sa COVID-19.

Samantala, pinakalma naman ni Kabacan Mayor Herlo Guzman Jr. ang bayan kaugnay na rin sa kumakalat na mga balitang may positive case na umano ng COVID sa bayan.

Aniya, sa panahon ngayon mainam na pakinggan at alamin ng mabuti ang mga impormasyong kumakalat sa social media at sa mga paligid.

Dagdag pa ng alkalde, sa panahon ng public health emergency ang dapat paniwalaan ay ang DOH lamang at ang mga opisyal na Facebook accounts at website.

Sa bayan ng Kabacan, si Dr Edu ang magbibigay ng totoong impormasyon na ilalabas sa official Facebook page ng Kabacan ang Unlad Kabacan.

Nilinaw naman ng alkalde na kontrolado pa rin ng lokal na pamahalaan ng bayan ang laban sa COVID.

Pinayuhan din ni Guzman ang lahat na kailangang sa tamang impormasyon lang makinig at ingatan ang sarili.