DAVAO CITY – Nagsasagawa na ngayon ng clearing operation sa kalsada ng Monkayo, Davao de Oro matapos matabunan ito ng putik dahil sa nangyaring landslide.
Nabatid na gumuho ang lupa sa gilid ng kalsada ng Sitio Depo Upper Ulip na siyang nag-iisang daan papuntang Mt. Diwalwal at Poblacion sa Monkayo Davao de Oro dahil sa walang tigil na pag-ulan.
Tinuturong dahilan umano ng landslide ang paglambot ng lupa dahil sa tropical depression Vicky.
Samantalang kinansela na ngayon ng Philippine Coast Guard (PCG) Davao Station ang biyahe sa lahat ng mga lantsa mula sa Sta Ana wharf nitong lungsod papuntang Talicud Island sa Island Garden City of Samal.
Sa inilabas na public advisory number 1 ni Commander Carlo Tiongson, ipinatupad ang pagkansela sa mga byahe ng mga lantsa at iba pang mga sasakyang pandagat mula oa alas-nuebe kaninang umaga dahil sa sama ng panahon at walang tigil na pag-ulan.
May kaugnayan ito sa inilabas na weather update ng Pag-asa kung saan kabilang sa tropical cyclone warning signal number 1 ang mga probinsiya ng Davao Oriental, Davao del Norte, davao de Oro, Davao at Northern Portion ng Davao del Sur.
Sinabi ng PCG ka kailangan sumunod sa Memorandum Circular 02-13 na kabilang sa mga guidelines patungkol sa biyahe ng mga sasakyang pandagat lalo na kung masama ang lagay ng panahon.
Sa kasalukuyan, ilang bahagi ng Davao del norte at katabing lalawigan sa Mindanao ang apektado ng mga pagbaha matapos ang malakas na pag-ulan.