-- Advertisements --

BAGUIO CITY – Nagpapatuloy ang clearing operation kasunod ng nangyaring bakbakan sa pagitan ng tropa ng pamahalaan at mga rebeldeng New People’s Army (NPA) nitong Huwebes ng umaga sa Sallapadan, Abra.

Una rito, sinalakay ng mga rebelde ang detachment ng CAFGU sa Maguyepyep, Sallapadan na nagresulta sa bakbakan.

Batay sa impormasyong nakuha ng Bombo Radyo Baguio, nagresulta ito sa pagkasawi ng dalawang kasapi ng CAFGU na nakilalang sina Dandy Wacquisan mula Lingey, Bucloc, Abra at Gordon Gallao mula Callaban, Bazar, Sallapadan, Abra.

Nasawi umano si Wacquisan sa kasagsagan ng engkwentro habang binawian ng buhay si Gallao nang linalapatan ito ng lunas.

Sinabi ng mga residente na sa kasagsagan ng bakbakan ay nanatili lamang ang mga ito sa loob ng kani-kanilang mga tahanan kung saan ang komunikasyon nila ay sa pamamagitan ng radyo at social media.

Nagtungo din ang ilang mga residente ng Sallapadan sa detachment ng CAFGU kaya huminto ng ilang minuto ang bakbakan.

Gayunman, sinabi ng mga residente na nang umalis ang mga kasama nila ay dito na pinagbabaril ng mga rebelde ang mga CAFGU na nagresulta sa pagkasawi ng dalawang biktima.

Sinabi pa ng mga residente na may itinayo ang mga rebelde na bandila ng bansa sa mataas na bahagi ng lugar na malapit lamang sa detachment ng CAFGU ngunit ang kulay pula na bahagi ng bandila ang nakataas.

Gayunman, kinumpiska ito ng mga pulis at militar na nagsasaga ng clearing operation.