Umapela si Senate Majority Leader Francis Tolentino sa pribadong sektor na tumulong sa clearing operations sa Maharlika Highway sa bahagi ng bayan ng San Fernando, Camarines Sur, para makadaan ang mga truck na magdadala ng relief goods sa mga lugar na sinalanta ng bagyong Kristine.
Malaki aniya ang maitutulong ng mga construction company na may heavy equipment para maayos ang daloy ng trapiko sa Maharlika Highway, Asian Highway 26 (AH26), na syang nagkokonekta sa Metro Manila at Bicol region.
Kinumpirma sa mga ulat na nakarating sa senador na ang mga truck ng Philippine Red Cross, Metro Manila Development Authority (MMDA), at iba pang mga grupo ay hindi makausad sa lokasyon nito sa bayan ng Milaor, na may 15 kilometro ang layo sa Naga.
Mula pa noong Oktubre 21 ay marami nang mga sasakyan mula Metro Manila na patungong Bicol, Visayas, at Mindanao, ang nananatiling stranded sa naturang highway.
Kabilang sa mga nag-ulat sa senador mula ay si Minalabac Mayor Cris Lizardo, na nagbahagi ng sitwasyong sa kanyang bayan na bahagi ng Bicol River Basin.
Ayon kay Lizardo, marami sa mga binahang lugar sa kahabaan ng highway sa pagitan ng Milaor at Naga City ay puno ng mga ‘di makausad na sasakyan patungo sa magkabilang direksyon.