-- Advertisements --
image 481

Tiniyak ng Climate Change Commission na palalawakin pa nito ang pakikipagtulungan sa bawat ahensiya ng gobierno, kasama na ang mga lokal na pamahalaan, upang ipatupad ang mga nauna nang nabuong polisiya ukol sa climate change.

Kasunod ito ng pagtukoy ni PBBM sa Climate Change bilang isa sa mga pangunahing tututukan ng kanyang administrasyon sa kanyang katatapos na ikalawang ulat sa bayan.

Ayon sa Vice Chair at executive director ng komisyon na si Robert Borje, malaking bahagi ng pondo ng komisyon ngayong taon ay nakalaan sa mga inisyatiba ng komisyon para matugunan ang hamon ng climate change na nakatakdang ipatupad ng mga ahensiya ng pamahalaan.

Ito ay may kabuuang P411.21 billion, o katumbas ng 88% ng pondo nito.

Inilaan naman ng Komisyon ang P53.29 billion na gagamitin sa mga climate-change mitigation project nito.

Ang dalawang pangunahing proyekto ang siyang bumubuo na sa kabuuang P464.5 billion na magagamit na pondo ng komisyon ngayong taon.

Samantala, batay sa FY 2024 National Expenditure Program, inaasahan namang aabot sa P543.45 billion ang pondo na maaaring magamit sa pangunguna ng CCC para sa kampanya ng pamahalaan laban sa labis na epekto ng Pagbabago ng Panahon.